Dear Tita Lits,
Ang matalik kong kaibigan, tawagan natin sa pangalan na Dina, na sampong taon ko nang kilala, ay madalas humiram ng mga damit ko. May pera naman siya at hindi pobre. Nagtitipid lang siguro at marami din siyang binubuhay sa Pinas. Tsaka, alam naman niyo na sa trabahong pang gabi, dapat laging iba-iba ang suot. Naintindihan ko naman po iyon kasi dati rin akong nagtrabaho sa gabi. Wala naman akong problema sa pagpapahiram, pero hindi niya naibabalik ang mga ito. Pagtagal at sa haba ng panahon, hindi na niya matandaan kung alin ang kanya o akin, kaya kapag hinihingi ko ang mga damit ko, naku po, sinasabi niyang sa kanya ang mga iyon.
Sinubukan ko na siyang tanggihan nang nanghiram siya ulit minsan pero dahil magaling siyang mag convince, ma-chika, ma-drama at siguro, dahil na rin sa sobrang kabaitan ko, napapapayag pa rin niya ako. Pinapahalagahan ko ang aming pagkakaibigan, kaya mas mahirap para sa akin na tumanggi. May paraan ba para mapahinto siya sa panghihiram nang hindi nasisira ang aming pagkakaibigan? Nauubusan na po ako ng damit at pasensya. Tulong, Tita Lits!
Linda
Roppongi, Tokyo
Dear Linda:
Pinahahalagahan mo ang inyong pagka-kaibigan ni Dina? Bakit?
Pinangangalagahan din ba niya? Mukhang hindi!
Kung magkaibigan kayo ng may sampung taon na, siguro naman, nakapasok ka na sa bahay niya, di-ba? Puntahan mo minsan, dahil kung nakalimutan na niya kung damit mo ang nasa closet niya, siguro naman, makikilala mo ang yong sariling damit, at kunin mo from her. Wala siyang karapatang pumalag dahil siguradong alam niya kung kanya o hindi ang mga kukunin mong mga damit sa closet niya.
May paraan para mapahinto siya ng panghihiram – HUWAG KA NG MAGPAHIRAM! Kung dahil dito, as masisira ang inyong pagkakaibigan, just let it be! Masira kung masira. Dina does not deserve your kindness. Alam niyang kaunting lambing lang sa kanya, nakakabola na siya sa iyo.
Ang pagkakaibigan ay two-way – hindi one way. Hindi iyong, “Ang iyo ay akin; Ang akin ay akin!”.
Pasensiya ka na Linda, napikon mo ako sa iyong sobrang pagka-naïve.
Kahanga-hanga ang kabaitan mo, pero dapat magising ka rin kung inaabuso na ang kabaitan mo.
Tita Lits